MAYROON ng dalawang anggulong tinitingnan ang kapulisan sa pananambang sa Punong Barangay ng Brgy. Bulibod, Sultan Kudarat at sa misis nito na si Rahima Maulana Mustapha.
Sa naging panayam kay PLtCol. Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat MPS, personal na sama ng loob o galit at may kaugnayan sa trabaho ang tinitingnan motibo ng kapulisan ang nag-udyok sa di pa nakikilalang suspek na paslangin ang punong baragay at misis nito.
Ayon sa hepe, aktibo sa kanyang tungkulin bilang Barangay Chairman ng Brgy. Bulibod si Esmael Latip Mustapha at seryoso umano ito sa kampanya kontra iligal na droga sa kanyang nasasakupan.
Sa ngayon mayroon na ring lima hanggang anim na Persons of Interest o suspek ang mahigpit na minomonitor ng kapulisan.
Samantala, para sa mabilis na pagkamit ng hustisya nakatakdang magtalaga ang Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region o PROBAR ng Special Investigation Task Group upang matunton ang nasa likod ng pananambang, ngunit ani PLtCol. Esmael Madin, giit nito hindi na kailangan pa bumuo ng Special Investigation Task Group dahil sa Municipal Police Station Level pa lamang kaya na resolbahin ang kaso ng pananambang ng mag-asawang Mustapha.
Hindi naman pinagkukumpiyansa ni PLtCol. Madin ang lahat ng mga opisyales ng mga barangay at sinabi nito na maging maingat at huwag umanong pakampante sa kanilang seguridad.