Naglabas ng opisyal na pahayag si Chief Minister Abdulraof A. Macacua, kaugnay ng petisyong inihain laban sa kanya sa Korte Suprema ng Pilipinas.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Macacua na mahigit apat na dekada na niyang inialay ang kanyang buhay para sa pakikibaka, kapayapaan, at pag-unlad ng Bangsamoro. Aniya, bago pa man siya manungkulan bilang Chief Minister, ilang taon na umano siyang nakararanas ng mga paratang at paninira na kumukuwestiyon sa kanyang integridad at mahabang serbisyo sa publiko.

Binigyang-diin ng opisyal na sa kabila ng mga akusasyon, pinili niyang pairalin ang pagtitimpi at patuloy na makipagkaisa para sa kapakanan ng mamamayan. Gayunman, sinabi niyang hindi na niya maaaring palampasin ang umano’y mga malisyosong hakbang na nagdudulot ng pinsala hindi lamang sa kanya kundi maging sa taumbayan, kabilang na ang sinasabing sinadyang pagkaantala o pagkakait ng serbisyo publiko.

Ayon kay Macacua, ang naturang petisyon ay hindi lamang personal na pag-atake sa kanya, kundi hamon din sa dignidad at kredibilidad ng mga institusyon ng Pamahalaang Bangsamoro.

Dahil dito, inihayag niyang magsasagawa sila ng pormal na imbestigasyon upang tukuyin ang mga nasa likod ng paghahain at pagpopondo ng petisyon, pati na ang mga umano’y nakinabang dito. Aniya, papanagutin ang sinumang mapatunayang may sala sa ilalim ng umiiral na batas, at maaaring magsampa ng kasong administratibo, sibil, at kriminal kung kinakailangan.

Nanawagan din ang Chief Minister sa mga miyembro ng Gabinete, mga ministeryo, tanggapan, at iba pang ahensya ng Bangsamoro Government na magkaisa at tugunan ang anumang pagkukulang sa serbisyo. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng agarang aksyon, transparency, at disiplina sa pagtupad ng tungkulin.

Babala pa niya, ang sinumang hindi makaaayon sa pamantayan ng panunungkulan ay maaaring managot at matanggal sa puwesto dahil sa hindi pagtupad sa sinumpaang tungkulin.

Sa huli, tiniyak ni Macacua ang kanyang paninindigan na ipagpapatuloy ang nasimulang gawain para sa kapayapaan, dignidad, at kinabukasan ng Bangsamoro, at patunayang karapat-dapat ang pamahalaan sa tiwala ng mamamayan.