Dahil sa tiwala ng dating mga komunistang terorista sa tropa ng pamahalaan, kanilang ibinunyag ang kinalalagyan ng dalawang matataas na kalibre ng baril na dating ginagamit ng mga ito ng sila ay nasa komunistang kilusan pa.
Batay sa ulat, isang M16A1 Rifle at isang M14 Rifle kasama na ang mga magasin nito ang kanilang inabandona sa Sitio Dimagalen, Brgy Karim sa bayan ng Buldon sa lalawigan ng Maguindanao del Norte sa di matukoy na petsa noong 2022.
Ang dalawa ay una ng sumuko sa tropa ng 103rd Brigade sa 1st Infantry (Tabak) Division kamakailan lamang.
Ayon kay Lt. Col. John A. De La Cruz PN(M), ang Commanding Officer ng Marine Battalion Landing Team – 2 (MBLT-2), pagkatanggap nila ng impormasyon mula sa 103rd Brigade, agad na nagkasa ng ‘combat clearing operations’ noong ika-16 ng Agosto 2024 para matunton ang inabandonang mga armas, subalit naging negatibo ang lakad bunga na rin ng masamang panahon. Patuloy na nakipag koordinasyon sa mga opisyales ng barangay ang Marines upang matukoy ang tunay na kinaroroonan ng mga armas, dahilan upang ito ay makuha, noong Sabado (Agosto 18, 2024).
Agad na isinailalim sa pagsisiyasat ang nasabing mga baril at matagumpay na naiturn-over sa 55IB, 103rd Brigade kahapon din.
Pinasalamatan naman ni Major. General Antonio G. Nafarrete, pinuno ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang tiwala na ibinigay ng mga dating nabiktima ng maling ideolohiya sa ating mga kasundaluhan para matunton ang mga inabandonang kagamitang pandigma at maiwasan ang anumang karahasan.
“Patunay lamang ito ng magandang hangarin natin sa mga nagbalik-loob sa pamahalaan na tuluyang pagwaksi sa anumang karahasan. Sumisimbolo din ito sa mataas na kumpiyansa at tiwala nila sa ating kasundaluhan,” wika pa ni Maj. Gen. Nafarrete.