Isang panibagong yugto ng karahasan ang yumanig sa pamilya ni Mayor Akmad Ampatuan matapos ang magkakasunod na insidente ng pananambang na kumitil sa buhay ng isa nilang kaanak at nagdulot ng matinding takot at pangamba sa kanilang komunidad.

Sa isang pahayag na inilabas ni Vice Mayor Mohammad Akmad B. Ampatuan Jr. sa social media, ibinahagi nito ang masalimuot na pinagdaanan ng kanilang pamilya mula pa noong Enero 25, 2026, nang tambangan umano gamit ang RPG ang kanyang ama na si Mayor Akmad Ampatuan. Sugatan sa naturang insidente ang security escort ng alkalde, habang himalang nakaligtas ang punong ehekutibo.

Hindi pa man umano tuluyang nakababangon ang pamilya sa takot at trauma ng naturang pangyayari, isa na namang madugong balita ang dumating. Ayon sa kanyang pahayag, inambush din ang kapatid ng alkalde na si Kagi Yasser Ampatuan kasama ang pinsang si Morced Ampatuan. Sa nasabing insidente, nasawi si Morced Ampatuan, bagay na lalong nagpatindi sa dalamhati ng kanilang pamilya.

“Gaano pa ba karaming dugo at luha ang kailangang ibuhos ng aming pamilya?” ito ang panaghoy sa naturang pahayag, na nagpapakita ng matinding sakit at pagdadalamhati.

Sa kabila ng magkakasunod na trahedya, nanindigan ang pamilya na hindi sila titigil sa paghahanap ng hustisya. Hiniling din nila ang pakikiramay at mga panalangin ng publiko, umaasang mananaig ang katotohanan at makakamit ang katarungan — hindi lamang para sa kanilang pamilya kundi para rin sa kapayapaan ng komunidad.

Patuloy namang umaasa ang kanilang mga kaanak at tagasuporta na magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga kinauukulan upang mabigyang-linaw ang mga insidente at mapanagot ang mga nasa likod ng karahasang ito.

Sa gitna ng pagdadalamhati, malinaw ang panawagan ng pamilya, hustisya para kay Morced Ampatuan at hustisya para sa lahat ng naging biktima ng karahasang patuloy na sumisira sa katahimikan ng kanilang lugar.