Isang routine online transaction ang nauwi sa operasyon ng pulisya nang masakote ng Philippine National Police (PNP) ang isang lalaki sa ilegal na bentahan ng wildlife.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng entrapment operation ang PNP Maritime Group sa isang public parking area sa Taft Avenue na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at pagkaka-recover ng isang live ball python na ibinebenta online.
Nakuha rin sa operasyon ang backpack na naglalaman ng reptile na tinatayang nagkakahalaga ng ₱7,000, mobile phone na ginamit sa transaksyon, marked money, glass enclosure, at dokumentong nagpapakita ng pagmamay-ari ng hayop.
Sinabi ni PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief PNP, na malinaw na ipinapakita ng pag-aresto ang istriktong paninindigan ng pulisya laban sa krimen sa kalikasan, lalo na sa mga online platforms.
“Hindi po natin papayagan na gawing negosyo ang pagsira sa ating kalikasan. Wildlife trafficking is a serious offense, and we will act kapag may lumalabag sa batas,” ayon kay PGEN Nartatez.
Dagdag pa niya, bahagi ito ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations kung saan intelligence at koordinasyon ang susi para maagapan ang krimen.
Pinayuhan rin ng PNP ang publiko na ang pag-aari, pagbebenta, o transportasyon ng wildlife nang walang permit ay labag sa batas.
“Kung may alok na ganyan online, think twice—and report it. Ang proteksyon ng kalikasan ay responsibilidad nating lahat,” diin ni PGEN Nartatez.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ang kaso laban sa suspek habang tiniyak ng imbestigador na maayos ang dokumentasyon at pag-iingat sa ebidensya.
Nanatiling committed ang PNP sa proteksyon ng biodiversity ng bansa at sa pananagutan ng mga lumalabag, alinsunod sa Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.

















