Hindi pa rin madaanan ang concrete road sa Sitio El Dulog, Barangay Ned, Lake Sebu matapos itong masira dahil sa malakas na landslide, na nagdulot ng abala sa transportasyon at pang-araw-araw na gawain ng mga residente.

Ayon sa residente na si Benedicto Dordas, bahagi ng sanhi ng pagguho ng lupa ay ang patuloy na operasyon ng coal mining sa lugar. Apektado ang anim na pamilya, habang mahigit 100 pamilya ang humihiling ng relocation dahil sa panganib ng karagdagang pagguho.

Aniya naman ni Rolly Doane Aquino ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), maaaring pinalala ng coal deposits sa ilalim ng lupa ang soil instability, bukod sa malakas na ulan noong nakaraang linggo.

Tumanggi naman ang Mines and Geosciences Bureau Region XII (MGB‑12) na magbigay ng pahayag hinggil sa kaugnayan ng mining operations at landslide, dahil wala silang clearance mula sa DENR central office.

Nagpaabot ng aksyon ang Provincial Government sa pamamagitan ni Vice Governor Arthur Dodo Pingoy na magpatawag ng special session ngayong Pebrero 23, 2026, upang talakayin ang sitwasyon at makinig sa pahayag ng mga ahensiya at kumpanya sa lugar.

Sa ngayon, nananatiling hindi maa-access ang nasirang daan, at nakadepende sa assessment at resources ng lokal na pamahalaan at Department of Public Works and Highways (DPWH) kung kailan ito maaring ma-repair. May pansamantalang daanan na rin ang mga residente sa lugar.