Pinarangalan ng Synergeia Foundation ang ilang lokal na pamahalaan sa bansa sa paggawad ng Seal of Good Education Governance 2026, bilang pagkilala sa kanilang mahusay na pamamahala at pagsusulong ng de-kalidad na edukasyon.
Kabilang sa mga ginawaran si Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, na kinilala kasama ang iba pang mga alkalde at kanilang mga Local Government Units (LGUs) dahil sa pagpapatupad ng mga programang nagpapalakas sa education governance sa kani-kanilang lugar.
Ayon sa mga tagapag-organisa, ang nasabing selyo ay sumisimbolo sa matibay na kakayahan at malinaw na adhikain ng mga lokal na pamahalaan na maisakatuparan ang mga pangarap ng kabataang Pilipino sa pamamagitan ng maayos at inklusibong sistema ng edukasyon.
Bukod sa Seal of Good Education Governance, ginawaran din ang ilang alkalde at kanilang Local School Boards ng espesyal na pagkilala para sa “Relentless Leadership of the Local Chief Executive and the Local School Board in Education Governance,” bilang pagpupugay sa kanilang aktibong papel sa pagpapalakas ng mga polisiya at programang pang-edukasyon.

















