Mas pinalakas ng 6th Infantry (Kampilan) Division ang kanilang operational readiness sa pamamagitan ng ceremonial turnover ng mga newly acquired and refurbished equipment sa Division Headquarters, Camp Siongco, Awang, noong Pebrero 26, 2026.

Pinangunahan ni Colonel Clarence Garrido, Group Commander ng 2nd Logistics Support Group, ang pormal na turnover ng mga bagong vehicles, firearms, at set ng Individual Clothing and Individual Equipment (ICIE) sa harap ng Administration Building. Bago ang turnover, isinagawa ang tradisyunal na seremonya ng pagpapala bilang panalangin para sa kaligtasan at proteksyon ng mga sundalo sa kanilang tungkulin.

Kinatawan ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, si Col. Manuel Leo Q. Gador, Chief of Staff ng 6ID, sa pagtanggap ng mga kagamitan. Tumulong rin si Lt. Col. Jeffrey Caro, Commanding Officer ng 12th Forward Service Support Unit, Support Command, Philippine Army, sa pormal na pagtanggap ng mga assets.

Ayon kay Maj. Gen. Cagara, ang turnover na ito ay simbolo ng pagpapalakas ng kakayahan at modernisasyon ng Kampilan Division. “Ang pormal na integrasyon ng mga kagamitan na ito ay mahalagang hakbang sa pagpapa-modernize ng aming yunit. Hindi lamang ito mga kagamitan sa militar, kundi mga instrumento ng kapayapaan at seguridad,” ani Cagara.
Ang turnover ay malaking hakbang upang mapataas ang operational readiness at mapabuti ang battlefield efficiency ng mga yunit sa ilalim ng 6th Infantry Division.


















