Matagumpay na nakahuli ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office – Negros Island Region Seaport Interdiction Unit (PDEA RO–NIR SIU Negros Oriental) ng iligal na droga sa isang K9 inspection sa isang warehouse sa Brgy. Junob, Dumaguete City noong Pebrero 24, 2026, bandang 5:36 PM.

Sa isinagawang inspeksyon, natagpuan ng K9 team ang isang medium transparent vacuum-sealed na plastic na naglalaman ng tinatayang 50 gramo ng pinatuyong marijuana bricks at isa pang medium transparent vacuum-sealed na plastic na may tinatayang 30 gramo ng pinatuyong marijuana leaves, na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 80 gramo. Kasama rin sa mga nakuhang ebidensya ang isang glass tube, isang sticker na may nakasulat na “WIZK HIGHDOL,” at ang mga plastic packaging.

Wala pang naaresto sa naturang operasyon, at patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang nagpadala at ang tatanggap ng parcel para sa posibleng kasuhan sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa PDEA RO–NIR, patuloy nilang paiigtingin ang monitoring at inspeksyon sa pakikipag-ugnayan sa mga logistics hubs at delivery service providers upang mapigilan ang distribusyon ng iligal na droga sa rehiyon.