Nagpaabot ng pag-aalala at suporta si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua sa mga Bangsamoro at kapwa Pilipino na kasalukuyang nasa mga bansa sa Gitnang Silangan, kasunod ng lumalalang tensyon sa rehiyon.

Ani Macacua, nauunawaan ng pamahalaan ang bigat ng sitwasyon, lalo na para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at bayan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kaligtasan, pagsunod sa opisyal na abiso at travel advisory mula sa mga Embahada at Consular Offices, at pag-iwas sa mga lugar na may banta sa seguridad.

Hinimok din ng Chief Minister ang mga Pilipino na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mahahalagang dokumento at panatilihing bukas ang komunikasyon sa pamilya at kinauukulan. Ayon kay Macacua, nakamonitor ang Bangsamoro Government sa sitwasyon at handang magbigay ng kaukulang suporta sa pamamagitan ng umiiral na koordinasyon sa pambansang pamahalaan.

“Ang inyong kapakanan at proteksyon ay nananatiling prayoridad. Kaisa niyo ang buong Bangsamoro sa panalangin at aksyon para sa inyong kaligtasan at para sa kapayapaan sa rehiyon. Mag-ingat po kayo palagi,” ani Macacua.