Kinumpirma ng state media ng Iran ang pagkasawi ng ilang matataas na opisyal ng bansa kasunod ng magkasanib na opensiba ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran. Kabilang sa mga naiulat na nasawi ang Armed Forces chief of staff na si Abdolrahim Mousavi, pati na rin ang iba pang matataas na lider ng militar.

Ayon sa ulat ng state television, kabilang din sa mga nasawi sina Defense Minister Aziz Nasirzadeh, Revolutionary Guards commander Mohammad Pakpour, at Defense Official Ali Shamkhani. Naganap umano ang pag-atake habang ginaganap ang isang defense council meeting na may kaugnayan sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Iran, US, at Israel.

Sa hiwalay na insidente, nasawi rin ang hepe ng police intelligence ng Iran na si Gholamreza Rezaian matapos ang isa pang airstrike.

Bilang tugon, agad namang nagsagawa ang Iran ng panibagong serye ng missile at drone strikes na nakatuon sa mga base militar ng US sa rehiyon at sa ilang target sa Israel.

Ayon sa mga ulat, aabot sa 27 pasilidad ng US ang kabilang sa tinarget, gayundin ang military headquarters ng Israel at isang defense industries complex sa Tel Aviv.

Inilarawan ito ng Tehran bilang ganting hakbang sa malawakang opensiba na umano’y ikinasawi ng kanilang supreme leader.