Pormal nang binuksan ng Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage (BCPCH) ang pagdiriwang ng Bangsamoro History Month 2026 ngayong Marso 2 sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex (SKCC).

May temang “Reclaiming our story, preserving our identity, and restoring our dignity,” ang pambungad na programa na nagsisilbing hudyat ng isang buwang paggunita sa kasaysayan ng mamamayang Bangsamoro lalo na ang kanilang pakikibaka tungo sa sariling pamamahala at pagpapasya.

Ipinagdiriwang tuwing buwan ng Marso, layunin ng Bangsamoro History Month na palalimin ang kaalaman ng publiko hinggil sa kasaysayan ng Bangsamoro at sa adhikain ng mga komunidad ng Moro. Kabilang din sa paggunita ang pagkilala sa mga nagdaang kawalang-katarungan at pagbibigay-diin sa mahahalagang yugto na nagbukas ng daan sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa pamamagitan ng serye ng mga aktibidad ngayong buwan, inaasahang mas mapatatag ang kamalayan at pagpapahalaga sa identidad, kultura, at dignidad ng sambayanang Bangsamoro.