Nahuli ng Western Mindanao Naval Command (WMNC) sa pamamagitan ng Naval Task Force 61 ang smuggled na foreign cigarettes na may kabuuang halagang ₱466.5 milyon sa dalawang magkahiwalay na maritime interdiction operations sa kanilang Area of Operations.
Noong Pebrero 24, 2026, na-intercept ng naval forces ang M/V Sun Voyage sa karagatan malapit sa Kalamansig Port, Sultan Kudarat. Sa boarding at inspeksyon, nadiskubre ang libo-libong master cases ng iba’t ibang foreign-branded cigarettes na nakatago sa barko. Hindi rin naipakita ng vessel’s master ang kinakailangang importation permits at cargo documentation. Noong Marso 2, 2026, opisyal na in-turn over ang nasabing barko, mga crew, at kargamento sa Bureau of Customs – Port of Zamboanga para sa karampatang legal na proseso. Ang seizure ay may market value na ₱439,865,028.29, kabilang ang duties, buwis, at iba pang assessment.
Samantala, sa isang follow-on operation noong Pebrero 25, 2026, na-intercept ang M/B Sky Blue sa timog-silangan ng Sibago Island, Basilan. Nadiskubre rito ang daan-daang master cases ng undocumented foreign-brand cigarettes, at hindi rin nakapagpakita ng valid documentation ang boat captain at crew. Ang halaga ng nasabat na kargamento ay tinatayang ₱26,650,700.00, at kasalukuyang sumasailalim sa legal na proseso.
Ayon sa WMNC, ang tagumpay ng mga operasyon ay malaking dagok sa mga smuggling syndicates sa Western Mindanao, na nakakaapekto sa kita ng gobyerno, lehitimong kalakalan, at seguridad ng ekonomiya ng bansa. Pinagtibay ng WMNC ang kanilang dedikasyon sa proteksyon ng maritime domain, pambansang hangganan, at pakikipagtulungan sa iba pang ahensya upang labanan ang smuggling, illegal trade, at iba pang transnational crimes.

















