Paghagis ng granada ang naganap kagabi sa bayan ng Pikit matapos targetin ang isang residential house sa Lozada Street, Poblacion.
Ang tinarget na bahay ay pagmamay-ari ni Abdulfatah Mamasabulod Dalid, na isang guro ng religious subject sa Notre Dame of Pikit.
Batay sa paunang ulat, isang hindi pa nakikilalang indibidwal ang umano’y naghagis ng granada patungo sa naturang bahay bago mabilis na tumakas sa hindi pa matukoy na direksyon.
Sa kabila ng insidente, walang naiulat na nasaktan o nasawi, bagay na ikinatuwa ng mga residente sa lugar.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Philippine National Police upang secure ang lugar at magsagawa ng masusing imbestigasyon. Tinututukan ngayon ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa likod ng insidente at ang pagkakakilanlan ng suspek.
Patuloy ang follow-up investigation habang nagsasagawa ng pangangalap ng ebidensya at pakikipanayam sa mga posibleng testigo.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang pulisya kaugnay ng insidente habang patuloy ang kanilang imbestigasyon.

















