IPINAG-UTOS ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao del Sur ngayong araw, Marso 5, 2026, bunsod ng nagpapatuloy na lokal na armadong alitan sa ilang bahagi ng munisipalidad.
Ito ay nakasaad sa Executive Order No. 009, Series of 2026 na inilabas ni Datu Piang Mayor Victor T. Samama.
Ayon sa kautusan, nakatanggap umano ang lokal na pamahalaan ng mga ulat mula sa mga awtoridad at opisyal ng barangay hinggil sa umiiral na tensyon sa seguridad na maaaring magdulot ng panganib sa mga estudyante, guro at kawani ng paaralan.
Binigyang-diin ng alkalde na pangunahing prayoridad ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan at kapakanan ng publiko, lalo na ng mga mag-aaral, sa gitna ng sitwasyon.
Inatasan naman ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, ang Philippine National Police at mga kinauukulang opisyal ng barangay na mahigpit na bantayan ang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Ayon sa kautusan, muling magbabalik ang klase sa Marso 6, 2026, maliban na lamang kung may ilalabas na panibagong abiso sakaling hindi pa maging matatag ang sitwasyon ng seguridad.
Agad namang naging epektibo ang naturang kautusan matapos itong lagdaan at ipalabas ngayong Marso 5, 2026 sa bayan ng Datu Piang sa Maguindanao del Sur.

















