ISANG 19-anyos na estudyante ang nasawi matapos tamaan ng stray bullet sa Purok 5, Barangay Damatulan, Nabalawag, Special Geographic Area (SGA), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kahapon, Marso 4, 2026.

Kinilala ang biktima bilang si Nadia, residente ng nasabing purok.

Ayon sa ulat ng Nabalawag Municipal Police Station (MPS), habang pauwi si Nadia upang kunin ang ilang gamit sa kanilang tahanan sa tabing ilog, tinamaan siya ng bala sa bandang ibabang bahagi ng tenga nito, na ikinasawi niya kaagad bandang alas-2:50 ng hapon.

Iniulat ang insidente bandang alas-5:00 ng hapon ng Barangay Chairman na si Saiden P. Tado, at agad rumesponde ang Nabalawag MPS sa pamumuno ni PCPT Felmor G. Estosane upang imbestigahan ang pangyayari.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang putok ay diumano’y nagmula sa direksyon ng Barangay Kalipapa at Barangay Dado sa Datu Piang, Maguindanao del Sur, na nasa kabilang pampang ng ilog mula sa Barangay Damatulan.

Ang insidente ay pinaniniwalaang kaugnay ng naunang harassment na naganap sa Barangay Lumopog, Midsayap, North Cotabato, noong gabi ng Marso 3, 2026, na umano’y humantong sa tensyon hanggang sa Nabalawag.

Agad na isinagawa ng pulisya ang imbestigasyon at hot pursuit operations upang matukoy ang suspek. Kinuha na rin ng pamilya ng biktima ang labi para sa mga kaukulang paghahanda sa libing.

Patuloy ang imbestigasyon ng Nabalawag MPS upang maaresto ang suspek at maiwasan ang karagdagang insidente sa lugar.