Sumusunod sa itinakdang presyo ng mga liquid petroleum products ang mga gasoline station sa lungsod sa kabila ng kasalukuyang mataas na presyo ng langis sa merkado.

Ito ang kinumpirma ni Engr. Abdulkahar Usop, Engineer II ng Energy Management and Development Services ng Bangsamoro Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE) BARMM, matapos ang isinagawang price monitoring sa ilang gasolinahan sa lungsod.

Ayon kay Usop, ang kanilang pag-iikot ay bahagi ng kampanya ng Department of Energy (DOE) upang matiyak na tama ang presyo ng mga produktong petrolyo at maprotektahan ang mga consumer laban sa profiteering at iba pang iregularidad.

Batay sa kanilang monitoring, wala naman umanong naitalang gasolinahan sa Cotabato City na nag-overprice sa kanilang mga produkto.

Gayunman, aminado ang opisyal na mas mataas ngayon ang presyo ng mga liquid petroleum products kumpara sa normal na sitwasyon.

Bukod sa presyo, mahigpit ding mino-monitor ng MENRE ang posibleng hoarding at bulk purchases na maaaring dulot ng panic buying ng ilang mamimili.

Sa ngayon aniya ay wala pa silang naobserbahang ganitong aktibidad sa mga gasolinahan na kanilang nasuri.

Sinusuri rin ng kanilang team ang calibration ng dispensing pumps upang matiyak na tama ang dami ng gasolina na ibinibigay sa mga motorista.

Samantala, katuwang ng MENRE sa monitoring operations ang Philippine National Police (PNP) upang magbigay ng seguridad at magsagawa ng posibleng pag-aresto sa sinumang mahuhuling lumalabag sa batas.

Paalala ni Usop, ang hoarding ng petroleum products ay may kaukulang parusa sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865.

Sa usapin naman ng supply, tiniyak ng mga gasolinahan sa lungsod na sapat ang kanilang stock at walang problema sa suplay sa ngayon.

Gayunpaman, ipinaliwanag na ang pagtaas ng presyo ay maaaring may kaugnayan sa umiiral na tensyon at sitwasyon sa Middle East.

Sa kasalukuyan, inaasahang sapat pa ang supply ng gasolina sa lungsod hanggang sa buwan ng Abril.