Naaresto ang dalawang indibidwal sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Antique, bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan.
Sa pinakahuling operasyon noong Marso 11, 2026, bandang 3:20 ng hapon sa Brgy. San Fernando, San Jose, Antique, nahuli ng Antique Police Provincial Office Drug Enforcement Unit (PDEU), San Jose Municipal Police Station, at PDEA Antique Provincial Office ang isang high-value target na nakilalang si alias “Third,” 41.
Nakuha mula sa suspek ang humigit-kumulang 55 gramo ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱385,000. Kasama rin sa nasamsam ang buy-bust money na ₱7,000, isang coin purse, at isang puting Honda Click motorcycle na may plaka 824FHO. Ihaharap ang suspek sa korte para sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa bentahan at pag-aari ng ilegal na droga.
Samantala, noong Marso 8, 2026, bandang 12:53 ng tanghali sa Brgy. District 3, Sibalom, Antique, isang buy-bust operation naman ang isinagawa ng Sibalom Municipal Police Station, sa tulong ng ANTPPO PDEU at PDEA Antique Provincial Office, na nagresulta sa pag-aresto kay alias “Inday,” 34.
Nakuha mula sa suspek ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang 0.5 gramo at may halagang ₱4,200, kasama ang marked buy-bust money. Ihaharap din siya sa korte para sa paglabag sa Section 5, Article II ng RA 9165 dahil sa ilegal na bentahan ng droga.
Ayon sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang bentahan ng ilegal na droga ay maaaring parusahan ng hanggang habang-buhay na pagkakakulong at multa mula ₱500,000 hanggang ₱10,000,000. Samantala, ang pag-aari ng malaking halaga ng droga ay may kasamang mabibigat na parusa, kabilang ang habang-buhay na pagkakakulong at malaking multa.

















