Nasawi ang isang municipal councilor matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Poblacion, Paglat kaninang umaga, Marso 18, 2026.

Kinilala ang biktima na si Samoan Kitalok, isang konsehal ng nasabing bayan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-7:30 ng umaga ay nakaupo umano ang biktima sa labas ng kanyang bahay at nakikipag-usap sa ilang bystanders nang biglang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ito ng ilang beses gamit ang hindi pa matukoy na uri ng baril.

Agad na tumakas ang suspek sakay ng isang itim na RUSI na motorsiklo patungo sa hindi pa malamang direksyon.

Sa isinagawang pagproseso ng crime scene, nakarekober ang mga awtoridad ng anim na basyo at dalawang slug ng bala.

Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Paglat Municipal Police Station at nagsagawa ng hot pursuit operation laban sa suspek, habang patuloy ang pangangalap ng ebidensya at mga testigo para sa pagsasampa ng kaso.

Kasalukuyan ding sinusuri ang mga CCTV footage sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen.