Nasabat ng mga awtoridad ang dalawang hinihinalang drug personalities at nakumpiska ang tatlong kilo ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Lambago, Barangay Lapasan kahapon, March 19, 2026, bandang ala-una ng madaling araw.

Pinangunahan ang operasyon ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) Team 2, kung saan nakuha mula sa pangunahing target na si alias “Bossing Inano,” 23 anyos, ang 30 malalaking pakete ng shabu, kabilang ang anim na maliliit na sachets, at Php 1,000 buy-bust money.

Kasama sa naaresto ang isang 25-anyos na delivery rider, na nagsabing hindi niya alam na ilegal na droga ang dala ng kanyang pasahero. Arestado rin siya at kinumpiska ang kanyang motorsiklo bilang bahagi ng follow-up procedure.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng suspek na siya ay inutusan ng kanyang kasintahan, na kasalukuyang nakakulong sa Lumbia City Jail, na kunin o sunduin ang kargamento mula sa Westbound Terminal sa Brgy. Bulua.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Maharlika Detention Cell Facility sa Brgy. Carmen, Cagayan de Oro City, habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad.