Isang balyena ang natagpuang napadpad sa baybayin ng Poral Beach, Barangay Poral, Kalamansig, Sultan Kudarat bandang alas-8:30 ng umaga noong Sabado, Marso 21, 2026.
Sa mga unang ulat, makikita umanong hirap na hirap ang balyena habang pilit nitong tinatahak ang mas malalim na bahagi ng dagat upang makabalik. Sa halip na matulungan, ilang indibidwal ang lumapit at umakyat pa sa likod nito, na tila ginawang libangan ang sitwasyon.
May ilang nakasaksi ang agad na sumita at nagpaalala na ang ganitong gawain ay maaaring lalo pang magpalala sa kondisyon ng hayop. Gayunman, may ilan ding nagsabing tila wala na itong kakayahang makabalik sa karagatan.
Bandang alas-9:00 ng umaga, dumating ang mga awtoridad upang magsagawa ng rescue operation. Sa kabila nito, makalipas ang ilang oras ay tuluyan nang binawian ng buhay ang balyena.
Paalala ng mga eksperto, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pang-aabuso sa wildlife. Sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act o RA 9147, maaaring pagmultahin ng hindi bababa sa ₱200,000 at makulong ng hanggang dalawang taon ang sinumang lalabag dito.

Photo courtesy: Kalamansig Municipal Councilor Randy Andoy Garcia

















