Arestado ang isang suspek at pagkakasamsam ng mahigit ₱300,000 halaga ng hinihinalang shabu noong Marso 29, 2026. Sa pinagsanib na puwersa ng Alamada Municipal Police Station (MPS), Cotabato Provincial Police Office Drug Enforcement Unit (PDEU), RID12 Team Echo, RIU12, 2nd CPMFC, 1203rd RMFB12, 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army, at PDEA 12, naisagawa ang search warrant laban sa suspek na kinilalang si alias “Lando,” 53 taong gulang at residente ng Barangay Bao, Alamada.

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ang 13 sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 48 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱326,400 batay sa National Standard Drug Price.

Agad na dinala ang suspek sa Alamada MPS para sa tamang dokumentasyon at disposisyon. Kasalukuyan siyang nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay isusumite sa Cotabato Provincial Forensic Unit sa Kidapawan City upang sumailalim sa masusing pagsusuri.

Patunay ang operasyong ito sa patuloy na pagsisikap ng kapulisan na sugpuin ang pagkalat ng ilegal na droga at mapanatili ang kaayusan sa rehiyon.