Mariing kinondena ng Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang naganap na pambobomba at pagsabog sa gilid ng kalsada sa Brgy. Sapakan, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.
Agad namang pinaigting ang mga hakbang sa seguridad sa lugar, kabilang ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga yunit ng pulisya at pagpapatupad ng checkpoint operations. Ipinadala rin ang Provincial Explosive and Canine Unit (PECU) upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pinangyarihan ng pagsabog.
Ayon kay PBGen. Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO-BARMM, patuloy ang kanilang pagsisikap upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanagot ang mga nasa likod ng insidente.
Hinihikayat naman ng kapulisan ang publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag, at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa nasabing pambobomba.

















