Nagsagawa ang Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC) ng voter education campaign noong March 26 sa Barangay Bulol, Ligawasan, Cotabato City, kung saan inimbitahan ang mga residente mula sa pitong barangay sa bayan.
Ang aktibidad na may pamagat na “Human Rights Education on Electoral Laws for Rights Holders” ay naglayong ipaliwanag sa publiko ang proseso ng eleksyon sa rehiyon at ang bagong parliamentary system na ipatutupad sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.
Ayon kay BHRC Provincial Director para sa Special Geographic Area at Cotabato City, Atty. Mumar Ali Succor, layunin ng programa na magbigay impormasyon sa publiko tungkol sa bagong sistema ng halalan. Sinabi niya na sa darating na eleksyon, pipiliin ng mga botante ang party, district, at sectoral representatives, habang ang Non-Moro Indigenous Peoples seat ay mapupuno sa pamamagitan ng sectoral assembly.
Binanggit naman ni Ligawasan Administrator Omolhayr Talembo ang kahalagahan ng tamang kaalaman sa proseso ng eleksyon at ang epekto ng boto sa pagpili ng mga lider sa rehiyon.
Ayon sa BHRC, magpapatuloy sila sa ganitong mga aktibidad sa iba pang munisipalidad sa Special Geographic Area bilang bahagi ng kanilang mandato sa edukasyon at pagsasanay tungkol sa karapatang pantao.

















