Sa gitna ng lumalalang banta sa seguridad, nagpatupad ang Shariff Aguak ng curfew mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga sa buong munisipalidad. Ayon sa Municipal Ordinance No. 06, Series of 2026, layunin nitong maprotektahan ang buhay ng mga residente at mapanatili ang kaayusan.

Ang hakbang ay kasunod ng isang ambush na naganap sa bayan kamakailan na ikinamatay ng limang pulis at nakasugat ng tatlo pa. Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan, mayroong patuloy na banta mula sa armadong grupo at iba pang lawless elements sa lugar.

Ayon sa ordinansa, lahat ng residente ay obligado sumunod sa curfew, maliban sa mga miyembro ng PNP, AFP, health workers, emergency responders, night-shift workers, at ilang opisyal ng barangay na may tungkulin sa seguridad. Bawal ang pag-ikot, pagtambay sa lansangan, o anumang gawain na maaaring makapahina sa pampublikong kaayusan sa oras ng curfew.

Ipinabatid din ng LGU na may kaparusahan ang mga lalabag: unang pagkakataon ay babala, pangalawa ay multa na P1,000 o community service, at pangatlo at susunod pa ay P2,000 o hanggang limang araw na pagkakakulong. Para sa mga menor de edad, pananagutan ng kanilang magulang o guardian ang pagsunod sa ordinansa.

Ang Shariff Aguak Municipal Police Station, katuwang ang AFP, barangay officials, at BPATs, ang magsisiguro sa mahigpit na pagpapatupad ng curfew.