Nasamsam ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang tinatayang P50 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa isang isinagawang anti-smuggling operation noong Abril 2, 2026 sa Sitio Turugan, Barangay Dinaig Proper, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Ayon sa ulat, umabot sa 1,170 kahon ng ilegal na sigarilyo ang narekober ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon na pinangunahan ng PRO BAR, katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Bureau of Customs.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga operatiba at mga concerned citizen hinggil sa umano’y pag-iimbak ng kontrabando sa nasabing lugar. Sa pagdating ng mga tropa, mabilis na tumakas ang mga hindi pa nakikilalang suspek at iniwan ang mga ilegal na produkto malapit sa pampang ng ilog.

Bukod sa mga sigarilyo, nakarekober din ang mga awtoridad ng dalawang M79 grenade launcher sa pinangyarihan, na agad na isinailalim sa kustodiya ng lokal na pulisya para sa forensic examination at kaukulang disposisyon.
Ang mga nakumpiskang sigarilyo ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Bureau of Customs, habang patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa smuggling operation.
Pinuri naman ni PRO BAR Regional Director Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman ang mga operatiba sa kanilang mabilis at epektibong aksyon. Binigyang-diin niya na ang matagumpay na operasyon ay patunay ng matibay na ugnayan ng mga ahensya ng gobyerno at komunidad sa Bangsamoro laban sa ilegal na kalakalan.
Muling iginiit ng PRO BAR ang kanilang pangako na ipatupad ang batas at tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa rehiyon laban sa mga iligal na aktibidad na sumisira sa ekonomiya.

















