Arestado ang isang pasahero matapos mahulihan ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit ₱21.2 milyon sa isang operasyon ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC–NAIA) sa NAIA Terminal 1 noong Abril 3, 2026.

Sa ulat ng BOC–NAIA, ang naturang pasahero na dumating mula Malaysia ay sumailalim sa masusing inspeksyon matapos magpakita ng kahina-hinalang imahe ang kanyang backpack sa x-ray machine. Dahil dito, isinailalim siya sa 100% physical examination.
Sa isinagawang pagsusuri, nadiskubre ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 3,120 gramo ng puting kristalinong substansya na pinaniniwalaang Methamphetamine Hydrochloride o mas kilala bilang shabu. Ang mga ito ay nakalagay sa iba’t ibang plastic bags na binalot ng packaging tape at carbon paper, at maingat na itinago sa likurang bahagi ng backpack at sa loob ng mga handbag nito.
Tinatayang may standard value na ₱21,216,000.00 ang nasamsam na ilegal na droga.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patuloy ang pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang mga hakbang sa pagpapatupad ng batas at pangangalaga sa kapakanan ng publiko.
Ang naarestong indibidwal ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Ang mga nakumpiskang ebidensya at ang suspek ay isinailalim na sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa karagdagang laboratory examination at wastong disposisyon. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek.
Samantala, tiniyak ng BOC–NAIA, sa pangunguna ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, ang kanilang patuloy na pagbabantay sa mga paliparan at hangganan ng bansa laban sa pagpasok ng ilegal na droga at iba pang kontrabando sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya at masusing border control measures.

















