Napatay ng mga tropa ng 603rd Infantry Brigade ang isang mataas na lider ng Communist Terrorist Group (CTG) sa isinagawang operasyon sa Barangay Laconon, T’boli, South Cotabato ngayong Abril 9, 2026.
Kinilala ang nasawi na si Anthony Narvasa alyas “Magaw,” na nagsisilbing kalihim ng Far South Mindanao Region (FSMR) ng grupo.
Ayon sa militar, kamakailan lamang naitalaga si Narvasa bilang kalihim ng FSMR noong huling bahagi ng 2025, ngunit agad ding napatay makalipas ang ilang buwan sa gitna ng pinaigting na operasyon ng pamahalaan laban sa insurgency.
Ikatlo na umano siyang kalihim ng FSMR na napatay ng 603rd Brigade sa loob ng mahigit apat na taon, kasunod ng naunang mga operasyon laban sa iba pang lider ng grupo noong 2022 at 2025.
Sangkot umano si Narvasa sa ilang kasong kriminal kabilang ang murder at attempted homicide, ayon sa tala ng awtoridad.
Kasama ring napatay sa naturang operasyon ang isang babaeng miyembro ng grupo na kinilalang si Rosa Kian alyas “Mutya” o “Roxanne.”
Narekober sa pinangyarihan ang apat na M16 rifles at isang R4 rifle, habang walang naiulat na nasugatan o nasawi sa panig ng mga pwersa ng gobyerno.
Pinuri naman ni Brigadier General Michael A. Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade, ang mga sundalo sa matagumpay na operasyon na aniya’y nagsisilbing ambag sa pagpapanatili ng kapayapaan sa lugar.
Dagdag pa niya, mahalagang hakbang ito upang mabawasan ang takot ng mga residente laban sa banta ng karahasan, pangingikil, at pananakot ng armadong grupo.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng militar ang mga labi ng mga nasawi at sasailalim sa tamang proseso ayon sa umiiral na patakaran.

















