Nasawi ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos umanong bugbugin ng isang 55-anyos na lalaki sa Barangay Alegria ng nasabing bayan.
Kinilala ang biktima sa alyas na Carl, isang estudyante at residente ng lugar. Samantala, agad namang naaresto ang suspek na kinilala sa alyas na Romeo, residente rin ng parehong barangay.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang 11:50 ng gabi noong Abril 7, 2026, ngunit nai-report lamang ito sa pulisya bandang 3:50 ng madaling araw kinabukasan matapos matagpuan ang wala nang buhay na biktima sa compound ni Picato Montina.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Baliguian Municipal Police Station at dumating sa lugar bandang 5:00 ng madaling araw kung saan kinumpirma ang pagkamatay ng bata.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na umano’y nahuli ng suspek ang biktima na nagnanakaw ng mangga. Dahil dito, pinaghihinalaang kinaladkad ng suspek ang bata patungo sa isang abandonadong gusali at pinaghahampas gamit ang kahoy na may pako. Dahil sa tinamong matitinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, nasawi ang biktima.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya katuwang ang Municipal Health Office upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kamatayan, habang nagsagawa rin ng follow-up operation na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Baliguian Municipal Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong homicide.

















