Matagumpay nang naresolba ang matagal nang alitan o rido sa pagitan ng dalawang pamilya sa Barangay Balong, Tugunan sa Special Geographic Area ng BARMM, matapos ang isinagawang peace settlement noong ika-8 ng Abril 2026.
Sa naturang aktibidad, pormal na nilagdaan ng magkabilang panig ang isang kasunduang kilala bilang “Kapasadan” o Memorandum of Agreement, sa harap ng mga opisyal at iba’t ibang sektor na nagsilbing saksi. Sinundan ito ng isang Mubaya’ah o panunumpa, bilang simbolo ng kanilang pangakong igalang ang napagkasunduan at panatilihin ang kapayapaan sa kanilang komunidad.
Ayon kay MPOS Community Affairs Officer III Basit Minandang, mahalaga ang tuloy-tuloy na ugnayan at dayalogo upang mapanatili ang katahimikan sa Bangsamoro. Binigyang-diin din niya na kapag naging maayos ang sitwasyon sa mga komunidad, mas maraming kabataan ang magkakaroon ng pagkakataong makapag-aral at makapag-ambag sa pag-unlad ng rehiyon.
Samantala, iginiit naman ni SGADA Administrator Butch Malang ang kahalagahan ng tamang pag-unawa sa konsepto ng “maratabat” o dangal, at ang pangangailangang isantabi ang labis na pride upang maiwasan ang hidwaan. Aniya, bagamat may positibong aspeto ang maratabat, maaari rin itong maging hadlang sa pagkakaisa kung hindi makokontrol.
Pinangunahan ang nasabing settlement ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS), katuwang ang iba’t ibang ahensya, lokal na pamahalaan, peace mechanisms ng MILF, at mga pwersa ng seguridad kabilang ang PNP at AFP. Naging susi rin ang maayos na koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan ng Pagalungan at Tugunan, kasama ang barangay officials ng Balong.
Sa panig naman ng lokal na pamahalaan, binigyang-diin ni Tugunan Mayor Abdullah Abas na mahalaga ang pagresolba ng mga rido upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng komunidad. Hinikayat niya ang mga residente na talikuran ang karahasan at ituon ang pansin sa kabuhayan at pag-unlad ng kanilang lugar.
Ang matagumpay na kasunduang ito ay bahagi ng patuloy na programa ng MPOS-BARMM na naglalayong palakasin ang kapayapaan, pagkakaisa, at seguridad sa buong rehiyon—isang hakbang tungo sa mas matatag at maunlad na Bangsamoro.

















