Nasawi ang isang hinihinalang high-value target ang matapos mauwi sa engkuwentro ang isang buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad sa Lanao del Sur, kung saan nasamsam ang tinatayang P3.4 milyong halaga ng ilegal na droga.

Ayon sa ulat, matagumpay na naisagawa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency – BARMM ang operasyon sa Barangay Purakan, Balabagan noong Abril 15, 2026. Katuwang nila rito ang iba pang yunit ng kapulisan at espesyal na pwersa upang masigurong maayos at ligtas ang operasyon.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Gary,” 54 taong gulang at residente ng Calanogas, Lanao del Sur. Itinuturing siyang isang high-value target sa kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon.

Batay sa imbestigasyon, matapos ang isinagawang bentahan ng ilegal na droga, sinubukan umanong manlaban ng suspek at nagpaputok ng baril laban sa mga operatiba. Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasugat ng suspek.
Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital si alias Gary ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ang limang piraso ng knot-tied plastic cellophane na naglalaman ng humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu o methamphetamine hydrochloride na may tinatayang halaga na P3,400,000.00.
Bukod dito, narekober din mula sa suspek ang isang Taurus 9mm na baril na may kasamang magazine at 15 bala, isang Android cellphone, buy-bust money, at isang ID mula sa Land Transportation Office na nakapangalan sa kanya.
Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa mga kinauukulan upang tuluyang masugpo ang ilegal na droga at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.
















