Umabot na sa 770 ang natanggap na aplikasyon para sa amnestiya ng National Amnesty Commission o NAC.
Ayon kay NAC Chairsperson Atty. Lea Tanodra- Armamento, ang 35 dito ay mula sa MILF, 47 naman sa MNLF, 686 mula sa dating mga kasapi ng NPA at dalawa naman sa iba pang armadong grupo.
Madadagdagan pa diumano ang mga aplikasyon sa hanay ng MILF sa tulong ng Bangsamoro Human Rights Commission o BHRC na kung saan lumagda ng kasunduan ang NAC.
Sa katunayan, abot sa 500 na aplikasyon ang tinanggap ng OPAPRU mula sa MILF sa panahon pa ni dating pangulong Rodrigo Duterte ngunit ibinalik din ito sa MILF magmula ng maitatag ang NAC.
Nasa pangangalaga nina MP Raisa Jajurie at Atty. Mary Ann Arnado ang mga nasabing dokumento.
Inaasahan ng NAC na matatanggap nila ang mga dokumentong ito sa darating na Biyernes, Agosto 30.