Kinumpirma ng University of the Philippines Diliman University Student Council (UPD USC) na isang student leader ng unibersidad ang kabilang sa 19 na nasawi sa insidente sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Abril 19, 2026.
Kinilala ang biktima bilang si Alyssa Alano, Education and Research Councilor ng UPD USC, na nasawi sa naturang insidente sa gitna ng operasyon sa lugar.
Ayon sa student council, naganap ang insidente kasunod ng umano’y operasyon ng 79th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nagresulta rin sa paglikas ng humigit-kumulang 168 pamilya at 653 indibidwal.
Tinukoy ng UPD USC si Alano bilang isang “innocent civilian” at kinondena ang kanyang pagkamatay, na iniuugnay nila sa umano’y militarisasyon sa lugar.
Samantala, inihayag ng Philippine Army na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng 79th Infantry Battalion at mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa parehong lugar. Ayon sa militar, 19 umano’y NPA members ang napatay habang isang sundalo ang nasugatan ngunit nasa maayos na kondisyon na.
Kinumpirma rin ng mga awtoridad na kabilang sa mga nasawi si R.J. Nichole Ledesma, 30 taong gulang, dating nominado ng Kabataan Partylist noong 2022 at residente ng Barangay Villamonte, Bacolod City.
Si Ledesma ay dating chairperson ng League of Filipino Students (LFS) sa Bacolod, dating editor-in-chief ng The Spectrum ng University of St. La Salle, at naging manunulat para sa alternatibong media group na Paghimutad.
Ayon sa militar, isinagawa ang operasyon matapos ang intelligence reports hinggil sa presensya ng mga hinihinalang NPA sa kabundukan ng probinsya.

















