Umabot na sa ₱38.39 milyon ang tinatayang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur dahil sa patuloy na epekto ng tagtuyot na dulot ng El Niño Southern Oscillation (ENSO), ayon sa pinakahuling datos ng mga awtoridad.
Batay sa ulat noong Abril 17, apektado ang kabuuang 851.49 ektarya ng sakahan sa mahigit 36 na munisipalidad at 167 barangay. Sa naturang lawak, 536.82 ektarya ay palayan habang 314.67 ektarya naman ay taniman ng mais, na nagresulta sa tinatayang 1,499.16 metriko toneladang nawalang produksyon.
Aabot sa 810 magsasaka ang direktang naapektuhan, kung saan 306 ay mula sa Maguindanao del Norte at 504 mula sa Maguindanao del Sur.
Sa gitna ng patuloy na hamon, nagpapatuloy ang mga hakbang ng MAFAR–Maguindanao (Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform) upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot sa mga apektadong komunidad. Kabilang dito ang monitoring at validation ng pinsala, pamamahagi ng mga binhi ng gulay bilang alternatibong kabuhayan, at paghahanda ng mga programang tutugon sa agarang pangangailangan ng mga magsasaka.
Hinihikayat din ng ahensya ang mga magsasaka na magtanim ng drought-tolerant at early maturing crops, partikular sa mga lugar na may sapat na irigasyon, upang mapanatili ang produksyon at maiwasan ang kakulangan sa suplay ng pagkain.
Patuloy naman ang panawagan sa mga magsasaka na makipag-ugnayan sa kanilang lokal na tanggapan ng MAFAR–Maguindanao para sa kaukulang suporta at gabay sa gitna ng epekto ng matinding init.

















