Ayon kay MP Atty. Lanang T. Ali Jr., Chairman ng Committee on Legal and Voters Protection ng UBJP, handa na ang kanilang kampo na harapin ang inihain na opposition kahit bago pa ito lumabas sa social media.

Aniya, agad silang nagsumite ng kanilang verified answer sa Commission on Elections en banc kahapon, April 23, 2026 alinsunod sa itinakdang panahon. Sa ngayon, nasa hurisdiksyon na ng COMELEC ang usapin at sila na ang magpapasya sa nararapat na aksyon.

Ipinahayag ni Atty. Lanang ang kumpiyansa na ibabasura ng Comelec ang naturang opposition dahil, aniya, wala itong sapat na batayan, ebidensya, o matibay na suportang legal. Giit niya, pawang hearsay lamang umano ang mga alegasyong nakapaloob sa petisyon.

Naniniwala rin ang kampo na ang naturang hakbang ay bahagi lamang ng mga taktika ng mga kalabang hindi aniya handang lumaban nang patas.

Sa kabila nito, tiniyak ni Lanang na mayroon silang sapat na ebidensya upang pabulaanan ang lahat ng alegasyong ibinabato laban sa kanila.

Binigyang-diin pa niya na ang lahat ng paratang sa opposition ay walang matibay na pundasyon at hindi suportado ng mga konkretong ebidensya.