Nasakote ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang isang lalaki na kabilang sa mga Most Wanted Person sa bansa sa isinagawang manhunt operation sa Brgy. Mapolopolo, Basista, Pangasinan noong umaga ng Abril 22.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Den,” 42-anyos, may asawa, at residente ng Dagupan City, Pangasinan. Siya ay nahaharap sa mga kasong statutory rape at acts of lasciviousness kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 7610.

Batay sa ulat, inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa Dagupan City noong Abril 5, 2022. Nakalista rin siya bilang National Most Wanted Person at may nakalaang pabuya na P135,000 para sa kanyang pagkakadakip.

Sa imbestigasyon, lumabas na noong Oktubre 4, 2020, umano’y ginahasa at sekswal na inabuso ng suspek ang kanyang siyam na taong gulang na stepdaughter sa kanilang tahanan sa Dagupan City.

Ayon sa CIDG, ang pagkakaaresto sa suspek ay bahagi ng pinaigting na implementasyon ng OPLAN Pagtugis, na layong tugisin at papanagutin ang mga nagtatagong pugante sa buong bansa.

Binigyang-diin ng CIDG na ang matagumpay na operasyon ay patunay ng kanilang matatag na paninindigan na protektahan ang kababaihan at kabataan laban sa lahat ng anyo ng pang-aabuso at karahasan, at tiyaking makakamit ng mga biktima ang hustisyang nararapat para sa kanila.