Naglabas ng opisyal na pahayag ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) upang linawin ang umano’y kumakalat na impormasyon hinggil sa pagbabago sa kanilang pamunuan.
Sa inilabas na “public statement,” iginiit ng UBJP na nananatiling buo at hindi nagbabago ang kasalukuyang hanay ng mga opisyal ng partido. Ayon sa kanila, magpapatuloy sa tungkulin ang mga ito hanggang sa pormal na mahalal ang kanilang mga kapalit sa pamamagitan ng General Assembly, na regular na isinasagawa ng organisasyon. Binigyang-diin din na walang sinumang indibidwal o grupo ang may awtoridad na magpahayag ng taliwas dito.
Mariin ding itinanggi ng partido ang mga ulat na may pagbabago sa kanilang leadership structure, na kanilang tinawag na mali at mapanlinlang. Kaugnay nito, hinimok ng UBJP ang publiko na maging mapanuri at umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo na inilalabas sa kanilang mga awtorisadong social media platforms upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Sa huli, tiniyak ng UBJP na nananatili silang nagkakaisa, matatag, at committed sa kanilang mga prinsipyo, pamumuno, at sa patuloy na paglilingkod sa mamamayang Bangsamoro.

















