Umabot sa humigit-kumulang Php 2.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang narekober ng pulisya sa isang operasyon sa Barangay Catogonan, Buadiposo Buntong, Lanao del Sur.
Ayon sa ulat, target ng operasyon ang isang wanted na indibidwal na si Sukair Diongcat. Gayunpaman, nauwi sa madugong engkwentro ang operasyon matapos umanong paputukan ng isang sniper ang pinagsanib na puwersa ng pulisya, kabilang ang Special Action Force (SAF).
Dahil sa pag-atake, napilitang ituon ng mga operatiba ang kanilang pansin sa likurang bahagi ng kanilang pwesto, na sinamantala naman ng tatlong suspek upang makatakas. Tinatayang apat na armadong lalaki ang sangkot sa pamamaril, at posibleng dalawa sa kanila ang tinamaan bago tumakas.
Bukod sa ilegal na droga, nakarekober din ang mga awtoridad ng mga basyo ng bala ng M16, dalawang hindi sumabog na bala ng M203, at iba pang ebidensya sa lugar.
Matapos ang insidente, agad nagsagawa ng clearing operations ang pulisya katuwang ang lokal na pamahalaan. Nakiisa rin ang bise alkalde sa house-to-house na pag-iinspeksyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Sa kasalukuyan, bumalik na sa normal ang sitwasyon sa lugar habang patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspek.

















