Magkakaroon ng pansamantalang pagkaantala sa suplay ng tubig sa ilang lugar sa lungsod sa darating na Sabado, Mayo 9, 2026, mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon, ayon sa abiso ng Metro Cotabato Water District (MCWD).
Ayon sa MCWD, makararanas ng mahina hanggang sa walang daloy ng tubig ang mga residente habang isinasagawa ang interconnection ng 10 pulgadang HDPE pipe sa 14 pulgadang transmission line sa kahabaan ng National Highway, kanto ng Bubong Road sa Barangay Kalanganan 2.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang Tamontaka MB, Rosary Heights MB, Rosary Heights 10, 11, 12 at 13, Bagua 1, 2, 3 at MB, pati na ang Kalanganan 2.
Paliwanag ng MCWD, kinakailangang isara ang ilang valves upang maisagawa ang nasabing aktibidad, na bahagi ng paghahanda para sa planong karagdagang suplay ng tubig mula sa DATEM, Inc.
Tiniyak naman ng MCWD Engineering Team na kanilang sisikaping matapos agad ang proyekto upang maibalik sa normal ang serbisyo sa lalong madaling panahon.
Humihingi naman ng pang-unawa ang pamunuan ng MCWD sa mga maaapektuhang residente.

















