Arestado ang isang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga na kabilang umano sa regional target list matapos ang isinagawang joint buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Mangarin, San Jose, Occidental Mindoro noong Mayo 11, 2026.
Pinangunahan ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Occidental Mindoro Provincial Office katuwang ang San Jose Municipal Police Station–Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU) at Occidental Mindoro Police Provincial Office–Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU).
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Ricky,” 42-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Bubog, San Jose, Occidental Mindoro.
Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na umaabot sa halagang Php34,000.00, kabilang ang iba pang drug paraphernalia.
Ayon sa mga operatiba, matagumpay na naisagawa ang buy-bust operation na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek na matagal nang minamanmanan dahil umano sa pagkakasangkot nito sa ilegal na bentahan ng droga sa lugar.
Kasalukuyang nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang pinaigting ng PDEA at kapulisan ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga at hinikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa komunidad.

















