Nasakote ng Philippine National Police (PNP) ang No. 3 Most Wanted Person sa antas panlalawigan ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA sa isinagawang operasyon sa Roxas, Palawan.

Ayon sa ulat, inaresto ng mga operatiba ng PNP ang isang lalaki na nahaharap sa labing-isang bilang ng kasong Qualified Rape laban sa menor de edad na walang inirekomendang piyansa, at dalawang bilang ng paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na may kabuuang piyansang umaabot sa ₱160,000.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Narra Municipal Police Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon at legal na proseso.

Sinabi ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. na patuloy ang determinasyon ng kapulisan na tugisin ang mga indibidwal na nahaharap sa mabibigat na kaso, lalo na ang mga may kinalaman sa pang-aabuso sa mga bata.

“Hindi tayo titigil hangga’t napapanagot ang mga taong umaabuso sa mga bata. Malinaw ang mensahe natin may mananagot sa batas at hindi natin pababayaan ang mga biktima,” ani Nartatez.

Dagdag pa niya, patuloy na palalakasin ng PNP ang kanilang operasyon laban sa mga wanted person bilang bahagi ng kanilang kampanya upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko at mabigyang hustisya ang mga biktima ng karahasan.

Nakahanay din umano ang operasyon sa PNP Focused Agenda na naglalayong gawing mas responsable at episyente ang serbisyo ng kapulisan, kabilang ang pinaigting na manhunt operations laban sa mga sangkot sa mabibigat na krimen.

Binigyang-diin din ng PNP Chief ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa anumang uri ng pang-aabuso.

Patuloy naman ang kampanya ng PNP laban sa krimen sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa layuning maisulong ang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”