Nakalatag ngayon sa iba’t ibang bahagi ng Cotabato City ang mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para magsagawa ng inspeksyon sa mga pampasaherong sasakyan.

Sa panayam ng 93.7 Star FM Cotabato kay Ronald Allan A. Sundang, sinabi nitong layunin ng operasyon na tiyakin kung may sapat at balidong prangkisa ang mga utility vehicle na bumibiyahe sa lungsod.

Ayon kay Sundang, kabilang din sa kanilang sinusuri ang kaligtasan ng mga pasahero at ang pagsunod ng mga pampasaherong sasakyan sa umiiral na regulasyon ng ahensya.

Nang tanungin kung may isinasagawang apprehension operation ang LTFRB, kinumpirma ng opisyal na sila ay naghuhuli ng mga lumalabag sa batas at regulasyon sa transportasyon.

Babala pa nito, maaaring umabot sa P50,000 ang multa laban sa mga mahuhuling lumalabag depende sa uri ng paglabag na kanilang nagawa.

Samantala, nanawagan naman ang LTFRB sa mga operator at driver na tiyaking updated at legal ang kanilang mga dokumento upang maiwasan ang parusa at abala sa operasyon.