Nadiskubre ng mga awtoridad ang mga skeletal remains ng limang hinihinalang indibidwal sa isang masukal na bahagi ng Barangay Dilimbayan, Maguing, Lanao del Sur noong umaga ng Mayo 11, 2026.

Ayon sa ulat, bandang alas-9:30 ng umaga nang matagpuan ng mga personnel ng 55th Infantry Battalion ang mga nahukay na kalansay sa kagubatang lugar na nasa humigit-kumulang 1.2 kilometro mula sa kanilang kampo.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Maguing Municipal Police Station sa pangunguna ni PCPT Justin T. Vergara matapos makatanggap ng ulat kaugnay sa insidente at kinumpirma ang pagkakatagpo sa mga skeletal remains.

Kasunod nito, nagsagawa ng crime scene processing ang SOCO team ng Lanao del Sur Provincial Forensic Unit sa pamumuno ni PMAJ Von Carlo Ates upang masuri ang lugar at makalikom ng ebidensya.

Batay sa paunang imbestigasyon at intelligence information ng 55IB, pinaniniwalaang ang mga natagpuang kalansay ay pag-aari ng limang hindi pa nakikilalang indibidwal na umano’y pinatay at inilibing noong taong 2022 ng grupong pinamumunuan umano ni alias “Commander Lomala,” na napaulat na nasawi na rin.

Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa mga karatig na munisipyo upang matukoy kung may katugmang ulat ng mga nawawalang indibidwal, subalit wala pang naitatalang tugma sa ngayon.

Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at mabigyang-linaw ang buong insidente.

Samantala, pansamantala nang inilibing sa bayan ng Amaimanabilang, Lanao del Sur ang mga skeletal remains matapos walang kaanak o kamag-anak na nag-claim sa mga ito.