Aabot sa 550 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha sa Northern Kabuntalan matapos magsimulang tumaas ang tubig sa lugar kahapon.
Agad namang nagsagawa ng relief distribution ang Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Norte para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.
Sa eksklusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato kay Maguindanao del Norte Governor Datu Tucao Mastura, sinabi nitong biglaan ang kanilang naging pagresponde matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagbaha sa lugar.
Ayon pa sa gobernador, agad silang pumunta sa lugar upang upang matugunan ang agarang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng kalamidad.
Samantala, sinabi naman ni Asidza Kasan na umabot hanggang baywang ang tubig sa labas ng kanilang bahay dahil sa pagbaha.
Dagdag nito, nasa tatlong ektarya ng kanilang taniman ang naapektuhan ng pagtaas ng tubig na nagdulot ng pangamba sa kanilang kabuhayan.
Patuloy namang binabantayan ng mga lokal na awtoridad ang sitwasyon sa lugar habang nagpapatuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mga residenteng apektado ng pagbaha.

















