‎Pansamantalang pamumunuan ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE bilang concurrent minister habang hinihintay pa ang magiging pinal na pagtatalaga para sa naturang posisyon.

‎Ayon sa impormasyong lumabas, layunin ng hakbang na higit pang mapalakas ang pamamahala at matiyak ang pagpapatuloy ng mga programa sa sektor ng edukasyon sa Bangsamoro Region sa gitna ng mga pagbabago sa liderato ng ministeryo.

‎Sa kasalukuyan, wala pang inaanunsyong permanenteng kapalit upang mamuno sa MBHTE at wala ring inilalabas na pormal na pahayag hinggil sa posibleng turnover of leadership sa nasabing tanggapan.

‎Samantala, nagpahayag naman ng suporta sina Governor Mamintal Adiong Jr. at ang Provincial Government of Tawi-Tawi kay Chief Minister Macacua kaugnay ng nagpapatuloy na pagbabago sa liderato ng MBHTE.

‎Sa magkahiwalay na pahayag, iginiit ng mga opisyal ang kanilang pagsuporta sa mga reporma at direksyong isinusulong ng Chief Minister para sa Bangsamoro Government.

‎Ayon kay Governor Adiong, mahalagang manatiling dynamic, responsive at nakatuon sa resulta ang mga institusyon ng BARMM, partikular sa larangan ng edukasyon, development at peacebuilding.

‎Dagdag pa nito, ang mga pagbabago at recalibration sa liderato ay bahagi umano ng patuloy na paghubog at pagpapalakas sa Bangsamoro Government.

‎Sa inilabas namang opisyal na pahayag ng Provincial Government of Tawi-Tawi, ipinahayag nito ang buong suporta sa concurrent leadership ni Macacua bilang Chief Minister at pansamantalang namumuno sa MBHTE.

‎Binigyang-diin din ng pamahalaang panlalawigan ang kahalagahan ng transparency, accountability at public trust sa loob ng MBHTE kasunod ng mga isyung inilutang sa audit findings ng Commission on Audit o COA.

‎Umaasa rin ang Tawi-Tawi provincial government na matutugunan ang matagal nang suliranin sa kakulangan ng mga guro, school buildings at iba pang pangangailangan sa sektor ng edukasyon lalo na sa mga malalayong lugar at island municipalities.

‎Sa kabila nito, patuloy namang inaabangan ng publiko ang mga susunod na anunsyo mula sa pamunuan ng Bangsamoro Government kaugnay sa magiging direksyon ng MBHTE sa ilalim ng pansamantalang pamamahala ni Chief Minister Macacua habang nananawagan ng pagkakaisa at pagtutulungan ang iba’t ibang opisyal para sa kapakanan ng mamamayang Bangsamoro at pagpapaunlad ng BARMM.