Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit P56.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa dalawang magkahiwalay na anti-drug operations sa Pasay City, ayon sa ulat ng NBI–International Airport Investigation Division (IAID) at ng NAIA Anti-Illegal Drug Interdiction Task Group (NAIA-AIDITG).

Sa inilabas na impormasyon, umabot sa kabuuang 8,402 gramo ng Methamphetamine Hydrochloride o shabu ang nakumpiska sa isinagawang interdiction operations noong Mayo 6 at Mayo 19, 2026.

Sa unang operasyon na isinagawa sa Customs International Arrival Area ng NAIA Terminal 1 noong Mayo 6, inaresto ang dalawang babae na kapwa residente ng Novaliches, Quezon City matapos dumating sakay ng Philippine Airlines flight mula Phnom Penh, Cambodia.

Sa isinagawang inspeksyon sa kanilang mga bagahe, nadiskubre ng mga awtoridad ang 8,324 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na P56,603,200. Nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Section 4 o Importation ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, sa ikalawang operasyon noong Mayo 19 sa AP Cargo hub sa Domestic Road, Pasay City, nasabat naman ang isang outbound parcel na ipinadala mula Merville, Parañaque City patungong Tagbilaran, Bohol.

Nadiskubre sa inspeksyon ang 78 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P117,000 na nakatago sa loob ng tatlong “MOMOM” plastic containers at idineklarang foodstuff upang makalusot sa inspeksyon.

Ayon sa mga awtoridad, ang naturang insidente ay paglabag sa Section 26 kaugnay ng Section 5 o Transportation at Delivery ng Article II ng Republic Act No. 9165.

Sinabi rin ng task group na ang lahat ng nakumpiskang ilegal na droga ay maayos na minarkahan at inimbentaryo sa harap ng mga kinatawan mula sa media at mga opisyal ng barangay bago ito isinailalim sa forensic examination ng PDEA Laboratory Service.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa naturang operasyon ng ilegal na droga.