Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) para sa nalalapit na kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na itinakda sa Setyembre 14, 2026.

Ayon sa PRO-BAR, layunin ng kanilang paghahanda na matiyak na magiging mapayapa, maayos, at kapani-paniwala ang kauna-unahang parliamentary elections sa buong Bangsamoro region.

Kabilang sa kanilang mga hakbang ang pinaigting na security planning at assessment, gayundin ang mahigpit na koordinasyon sa Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines, at iba pang stakeholders upang mapanatili ang kaayusan at seguridad bago, habang, at pagkatapos ng halalan.

Para naman sa deployment at augmentation planning, inaasahang magpapakilos ang PRO-BAR ng mahigit 7,500 organic personnel na ide-deploy sa iba’t ibang voting precincts sa buong Bangsamoro region.

Bukod dito, magrerequest din ang PRO-BAR ng karagdagang humigit-kumulang 2,000 PNP personnel mula sa mga karatig na rehiyon kabilang ang Region 9, Region 10, Region 11, Region 12, at Region 13 upang higit pang mapalakas ang seguridad sa panahon ng eleksyon.

Sa kabuuan, tinatayang aabot sa mahigit 9,000 deployable personnel ang inaasahang magbabantay at magpapatupad ng seguridad sa buong rehiyon sa kabuuan ng election period para masiguro ang isang ligtas at maayos na halalan sa Bangsamoro.