Kulungan ang bagsak ng isang durugista sa Sultan Kudarat Town sa Maguindanao del Norte matapos na makuhanan ito ng epektos o iligal na droga.
Kinilala ang nakalaboso na si alyas WIFI, matapos matunton ang naging lokasyon nito sa bayan dahil sa pinalakas na intelligence reports ng BLGU Katuli.
Sa panayam kay Katuli Chairman Surab Eman, natuklasan ng kanyang mga BPAT ang suspek na si alyas Wifi sa bahagi ng Purok Niyog na may kakaibang ginagawa na kaugnay sa iligal nitong kilusin.
Agad naman na nakipag-ugnayan ang kapitan kay SKMPS Commander PLTCOL Esmael Madin kung saan mabilis na nirespondehan ng mga autoridad ang suspek dahilan upang madakip ito.
Dito na tumambad sa pulisya ang drogang nasa pag-iingat ng suspek na tatlong plastic sachet na may pinaniniwalaang shabu. Sa inisyal na ulat ng SKMPS, tinatayang nasa dalawang (2) gramo ng shabu ang nakumpiska kay Wifi at nagkakahalaga ito ng mahigit P17,000.00 base sa National Drug Price.
Dagdag pa dito, dati nang nasangkot sa pagbebenta ng iligal na droga si alyas Wifi at nakulong ng mahigit isang taon hanggang napalaya ang suspek.
Dahil dito, balik sa kulungan ang pasaway na suspek at posible pang maharap sa kasong paglabag sa ilalim ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.