Kinumpirma ng Cotabato City Police Office (CCPO), sa pangunguna ni City Director PCOL JIBIN M BONGCAYAO, na nagkaroon na ng amicable settlement ang mga partidong sangkot sa viral na insidente ng alitan na kumalat sa social media matapos ang CCTV footage ng umano’y panunukso at paghahamon ng isang lalaki sa ilang kabataang nakaupo sa harap ng isang establisyemento.
Ayon sa CCPO, matapos ang agarang koordinasyon at beripikasyon ng mga awtoridad, lumabas na ang magkabilang panig ay kusang nagkasundo sa pamamagitan ng barangay settlement, kung saan kapwa nila pinili ang mapayapang pagresolba sa naturang insidente.
Pinuri ng CCPO ang magkabilang panig sa pagpili ng dayalogo at mapayapang pag-aareglo sa halip na karahasan. Kinilala rin ng tanggapan ang tulong ng mga opisyal ng barangay at mga concerned citizens na tumulong upang maisaayos ang kaso.
Gayunman, muling paalala ng CCPO sa publiko na ang anumang uri ng panghihikayat sa gulo, harassment, at pag-uugaling maaaring makagambala sa kaayusan ay mahigpit na ipinagbabawal at maaaring humantong sa kaukulang legal na aksyon.
Hinikayat ng CCPO ang mamamayan na patuloy na isulong ang respeto, disiplina, at responsableng pag-uugali upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

















