Binigyang-diin ni BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua ang kahalagahan ng episyente at maagap na serbisyo sa pamahalaan sa isinagawang pagpupulong kasama ang mga opisyal at pangunahing kawani ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) kahapon, June 1.

Sa naturang pulong, tinalakay ang maayos na pagpapatuloy ng mga programa, operasyon, at pangunahing prayoridad ng ministeryo, kabilang ang mga hakbang upang higit na mapalakas ang sektor ng edukasyon sa Bangsamoro.

Ayon kay Chief Minister Macacua, nananatiling malinaw ang kaniyang direktiba mula nang maupo sa puwesto na hindi dapat magkaroon ng pagkaantala sa mga serbisyo ng mga opisina at ahensya sa ilalim ng Bangsamoro Government.

Kaugnay nito, inatasan din niya ang mga kinauukulan na tiyaking agad na matatanggap ng mga empleyado ng MBHTE ang kanilang sahod upang maiwasan ang anumang delay sa benepisyo at operasyon ng tanggapan.

Binigyang-diin pa ni Chief Minister Macacua na mahalagang mapanatili ang pagkakaisa at koordinasyon sa loob ng ministeryo upang higit pang mapalakas ang sektor ng edukasyon para sa kapakinabangan ng bawat Bangsamoro learner.

Ayon sa kaniya, nananatiling pundasyon ng mas matatag at maunlad na Bangsamoro ang edukasyon.